Ni EDWIN MORENO
NAKALAYA na sa masikip, maalinsangan at mabahong selda ang dalawang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) matapos maglagak ng piyansa kaugnay ng gulo sa loob ng isang exclusive subdivision sa lungsod ng Muntinlupa kamakailan.
Gayunpaman, hindi na nakuha pang mag-relax nina Police Corporal George Mabuti at Patrolman Roger Valdez na agad pinasundo ni SAF regional director Brig. Gen. Mark Pespes para isailalim sa restrictive custody sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna habang gumugulong ang mga kinakaharap na kasong administratibo.
Sa ginawang gulo nina Mabuti at Valdez, nabisto ang bulilyaso na nagbigay-daan para kapwa sila sibakin sa pwesto, kasama ang pitong iba pang nakatataas na opisyales ng PNP-SAF na nakabase sa Zamboanga City.
Aminado sina Mabuti at Valdez na kapwa nakadestino sa PNP-SAF sa Zamboanga na rumaraket sila bilang bodyguard ng di pinangalanang isang Chinese national na nakabase sa Maynila.
Bukod kina Mabuti at Valdez, swak din sa sa restrictive custody ang battalion commander na may ranggong lieutenant colonel, dalawang company commander na parehong may ranggong kapitan, dalawang platoon leader na pawang may ranggong lieutenant at dalawang non-commissioned officer.
