MATAPOS ang dalawang sunod na bulilyasong kinasasangkutan ng mga pulis na rumaraket bilang bodyguard ng mga Chinese nationals, bumuo ng special task for ang Philippine National Police (PNP) para hanapin at panagutin ang mga kabarong pasok sa illegal escort service.
Sa isang press briefing, inihayag ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo ang pakikipag-ugnayan ng pambansang pulisya sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Highway Patrol Group (HPG), at Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa isasagawang operasyon laban sa mga kapwa pulis suma-sideline bilang bodyguard ng mga pribadong indibidwal.
Sa ilalim ng task force, nakatoka ang IMEG sa counterintelligence, habang puntirya naman ng HPG at MMDA ang mga pulis na bumabyahe ng mga colorum na mga sasakyan.
Bilang pambungad, sisipa ang pagtugis sa mga raketerong pulis sa Metro Manila.
