Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI naitago si House Speaker Martin Romualdez ang paghanga sa programang pabahay ng pamahalaan, partikular sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil mayroon itong mga pasilidad na kahalintulad sa ibang private housing.
“Masaya ako dahil hindi lang pala tirahan ng pamilyang Pilipino ang itinayo natin dito. May basketball court, swimming pool, clubhouse at iba pang amenities na dati ay makikita lang sa mga subdivision at condominium,” bulalas ni Romualdez sa talumpating binigkas kasabay ng site visit sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program sa San Mateo, Rizal kahapon.
“Ito ang pangarap ng ating Pangulo: Ang mabigyan ng disenteng tirahan ang mga Pilipino. Ang mabigyan sila ng karapatang mamuhay nang may dignidad. Ang manirahan kayong lahat sa isang komunidad na payapa at ligtas,” dugtong ng pinuno ng Kamara.
Ayon kay Romualdez, bukod sa San Mateo, Rizal housing project, nasa 170,000 housing units pa ang itatayo sa Metro Manila pa lang. Meron din aniyang 55 lokasyon sa ilalim ng 4PH program.
Target di umano ng administrasyon makapagtayo ng libo-libong housing units sa bahagi ng Luzon, Visayas hanggang sa Mindanao, kung saan 20 sa housing projects ang umarangkada na ang paggawa.
Pagmamalaki pa niya, on track ang pamahalaan sa original target na one million housing units kada taon, hanggang sa pagtatapos ng termino ng Pangulo sa 2028 kung saan inaasahang mapunan ang 6.5 million housing backlog.
“Malinaw po ang utos ng Pangulo: Tiyakin na may sapat na pondo ang lahat ng proyekto at programang inilaan niya para sa ikabubuti ng mga Pilipino,” giit ng lider ng Kamara.
“Ang kagandahan sa proyektong ito, ‘in-city resettlement’ ang ating ginagawa. Ibig sabihin, kung saang siyudad ka dati nakatira, doon ka rin hahanapan ng malilipatang bahay. Hindi natin inilalayo ang pamilya sa kanilang komunidad. Malapit pa rin sila sa kanilang trabaho at paaralan,” dugtong ng mambabatas mula sa unang distrito ng Leyte.
Kasabay nito, tiniyak naman ng House Speaker na ang Kongreso, na may “power of the purse” ay laging may sapat na pondong ilalaan para sa programang pabahay ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
“Asahan niyo na hindi lamang Legacy Housing ang ihahatid sa inyo ng administrasyong Marcos. Nagpapahanap din siya ng pondo sa Kongreso para magtayo ng world-class Legacy Hospitals tulad ng Philippine Cancer Center sa Quezon City at Regional Specialty Hospitals sa mga pangunahing siyudad sa Pilipinas. Ang pangarap nating lahat, ipaabot ang serbisyo ng Heart Center, Lung Center, Kidney Center at Cancer Center sa bawat sulok ng bansa,” aniya pa.
Binanggit din niya ang sapat at abot-kayang pagkain na isinusulong ng administrasyon na tinatawag na Legacy Food Security program.
Aniya, “ito’y upang tulungan ang mga mga magsasaka na mapalaki ang kanilang ani at itutuloy din ang mga programa para bigyan ng ayuda ang mga nangangailangan.”
“Hindi po titigil ang Kongreso sa paglalaan ng pondo at paggawa ng mga batas. Gagawin natin ito para matupad ang pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. – ang mabigyan ng masaganang bukas ang bawat pamilyang Pilipino sa isang ligtas at payapang bansa.”
