ARESTADO sa mga operatiba ng lokal na pulisya ng Mulanay sa lalawigan ng Quezon ang isang empleyado ng microfinance business matapos na maipatalo ang pera ng kumpanya sa kinahuhumalingan online sabong.
Sa ulat ng pulisya, personal na nagtungo ang suspek para magsumbong matapos mabiktima di umano ng mga holdaper na tumangay ng hindi bababa sa P166,000 na nalikom niya bilang kolektor ng microfinance company na pinapasukan.
Gayunpaman, nagduda ang imbestigador sa paiba-ibang pahayag ng suspek na kalaunan ay umamin na natalo ang pera sa online sabong.
Habang nasa kustodiya ng pulisya, nagsagawa ng backtracking ang mga operatiba at narekober ang bag ng suspek na naglalaman ng mga transaction documents at P42,000.
Nang balikan para sa interogasyon, sinabi ng suspek na natalo na ang ibang koleksyon sa online sabong. Kasong qualified theft ang isinampa laban sa hindi pinangalanang empleyado.
