NAMAYAGPAG ang mga examinees mula sa National Capital Region (NCR) matapos pagharian ang Top 10 sa talaan ng mga nakapasa sa isinagawang Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) noong nakaraang Marso.
Sa isang kalatas, malugod na binati ni Civil Service Commission chairperson Karlo Nograles ang nasa 51,311 examinees (katumbas ng 17.22 passing rate) na nakalusot sa pagsusulit para sa kinabibilangang kategorya – Professional at Sub-Professional.
Sa datos CSC, 297,952 ang kumuha ng Civil Service Eligibility Exam.
“Congratulations once again to all who passed, and a special commendation to the top performers. Your hard work has paid off, bringing you one step closer to joining the ranks of our 1.9 million dedicated civil servants nationwide,” pahayag pa ni Nograles.
Nasungkit ni Viron Gil A. Estrada mula sa National Capital Region (NCR) ang gradong 97.30 – ang highest score sa CSE-PPT Professional level.
Hataw din si Mia Kimberly F. Noche ng Southern Tagalog region na nakakuha ng markang 97.30 rating para sa kategorya ng Sub-Professional level.
Kabilang din sa top passers para sa Professional level sina: Micah Angelo R. Bacani (NCR) at Duke Donald R. Cotoco (NCR), kapwa may rating na 97.26; Kristine Kyla M. Catajay (SOCCSKSARGEN) sa 97.21 rating; Andrei Josef A. Policarpio (NCR) may 97.12; Jose P. Robredo (NCR) sa 97.07 rating; Aubrey Camille J. Perez (NCR) may 97.03; Norlyn Ann T. Villarin (NCR) nakakuha ng 96.89; Aron S. Guese (NCR) sa 96.83 rating; at Zarah Greycielle T. Cruz (Central Luzon) na may 96.79.
Para sa Subprofessional level, kasunod ni Noche sina Jacqueline D. Corral (96.87) ng Bicol Region; Joanalyn S. Constantino (96.63) at Elaine Grace Templa (96.58), na kapwa mula NCR; Arrel Keight R. Diamse (96.18) na mula Central Luzon; Niccole Benesha R. Santos (96.12) at Danah Arella D. Mateo (96.05) mga taga-NCR; Angelic Shayne I. Salmingo (96.03) ng Western Visayas); Mheree Adelaide M. Flores (96.01); at Benjamin Carlo A. Garcia at Marcus J. Salvo, na kapwa nakakuha ng 95.97 at pawang mga taga-NCR.
Sa naging regional performance para sa naturang CSE-PPT, ang Southern Tagalog ang nakakuha ng highest passing rate na 23.36 percent, kung saan 9,473 sa 40,549 examinees ang pumasa para sa dalawang levels. Sumunod ang NCR sa 23.30 percent passing rate, o 12,690 passers mula sa 54,468 examinees.
Ang iba pang top-performing regions ay kinabibilangan ng Central Luzon, na may 23.12 percent passing rate; Cagayan Valley sa 19.26 percent; at ang Cordillera Administrative Region na nakakuha ng 18.23 percent.
Makikita ang kumpletong listahan ng successful examinees ng 3 March 2024 CSE-PPT sa CSC website – csc.gov.ph
Para naman sa mga nais makakuha ng sipi individual rating, maaring sadyain ang Online Civil Service Examination Result Generation System na nasa official website ng ahensya.
Pwede rin anila makipag-ugnayan sa CSC Regional Office para sa requirements at procedures sa pagkuha ng kanilang Certification of Eligibility.
