TALIWAS sa inaasahang pagbabalik sa bansa ni former Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. para harapin ang mahabang talaan ng mga kasong kriminal kaugnay ng mga patayan sa kanyang lalawigan, pinalaya mula sa piitan ng pamahalaan ng Timor-Leste ang sinibak na congressman.
Sa mensaheng pinadala sa media ni Atty. Ferdinand Topacio na tumatayong abogado ni Teves, pinalaya di umano ang dating kongresista mula sa Becora jail facility.
Bilang patunay, nagpadala rin si Topacio ng larawan niya kasama si Teves habang naglalakad palabas ng bilangguan.
“Rep. Arnoldo Teves released from preventive detention in Becora Prison in Dili, Timor Leste,” wika ni Teves sa kanyang mensahe.
Nang tanungin kung ano ang basehan ng pamahalaan ng Timor-Leste sa pagpapalaya sa pangunahing suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, sinabi ng abogado na pumalpak ang Department of Justice (DOJ) sa inihaing extradition request.
“In other words, our government ‘screwed up’. Thus, his imprisonment was declared illegal,” aniya pa.
Gayunpaman, nilinaw ni Topacio na hindi lilisanin ni Teves ang Timor-Leste. Katunayan aniya, nakatakdang asikasuhin ng dating mambabatas ang hirit niya asylum sa naturang bansa.
Wala pang pahayag ang DOJ.
