MISTULANG bulag sa galaw ng mga barkong naglalayag sa Pilipinas ang Maritime Industry Authority (Marina) matapos paglaruan ng hindi pa natutukoy na cyber hackers ang official website ng naturang ahensya.
Pag-amin ng Marina, nalagay sa kompromiso ang mga datos na nakalagak sa apat na sensitibong mekanismo ng official website mula pa noong araw ng Sabado.
Tinangka pa ng Marina awatin ang hacking incident sa tulong ng ilang piling kawaning agad na dinispatsa para makipag-ugnayan sa Port Area sa Maynila bilang bahagi ng tinawag nilang protocol sa mga kahalintulad na pagkakataon.
Nakikipagtulungan na rin anila ang IT team ng Marina sa Department of Information and Communications Technology-Cybercrime Investigation and Coordinating Center (DICT-CICC) para imbestigahan ang hacking incident at gawan ng angkop na hakbang para protektahan ang Marina website laban sa cyber attack.
Bahagi ng mandato ng Marina ang i-regulate ang shipping industry at pangasiwaan ang deployment ng mga Pinoy seafarers.
Kamakailan lang, nagawa rin pasukin ng mga cyber hackers ang website ng Logistics Data Information Management System ng Philippine National Police (PNP), habang nalagay naman sa kompromiso ang datos ng 13 milyong miyembro bunsod ng hacking incident sa website ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong nakaraang taon.
Bago pa man ang cyber attack sa Marina, naglabas ng pahayag si DICT Undersecretary Jeffrey Dy. Aniya, masusing sinusuri ng ahensya ang lahat ng online assets ng gobyerno para maiwasan ang cyber attack.
