NAKATAKDANG pagtibayin ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga ang isang resolusyong magpapalayas sa lahat ng offshore gaming operation sa naturang lalawigan.
Ayon kay Pampanga Vice-Governor Lilia Pineda, inatasan ng pamahalaang panlalawigan ang lahat ng alkalde ng mga lokalidad na sakop ng lalawigan, na lumabas sa kani-kanilang tanggapan at pangasiwaan ang pagbabahay-bahay para tuntunin ang iba pang POGO operation sa Pampanga.
Katunayan aniya, sumipa na ang house-to-house inspection bago pa man pumutok ang balita kaugnay ng pamamayagpag ng mga scam farm na nabisto sa loob ng Lucky South 99 Outsourcing Incorporated sa bayan ng Porac.
Sa pagsisiwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), hindi limitado sa Porac ang scam farm, kasabay ng giit na may bulilit version ng ilegal na operasyon sa mga bayan ng Mexico at Bacolor sa nabanggit na lalawigan.
“Hindi pa naman sinasabi nung PAOCC yung intel report nila, in-alarm ko naman lahat yung mga mayor ng Pampanga na lahat ng kapitan, mag-inspection, maghouse-to-house sila tingnan din nila kung may mga POGO pa rin sa mga bayan-bayan nila,” wika ni Pineda sa isang panayam sa telebisyon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaang panlalawigan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa talaan ng mga POGO hubs sa Pampanga.
“Kasi dapat sa kanila talaga magmula, kesa yung naghahanap kami, hinahanap namin kung saan, saan nakatago,,” dugtong ng Pampanga Vice Governor.
Kamakailan lang, sinalakay ng PAOCC ang South 99 Outsourcing Incorporated sa bayan ng Porac kung saan tumambad ang iba’t-ibang makabagong aparatong ginagamit sa pang-i-scam.
