KUNG pagbabatayan ang sunod-sunod na paglisan ng mga tinaguriang political bigwigs sa loob ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) 10 buwan bago sumapit ang 2025 midterm election, tuluyan nang naglaho ang tikas ni former President Rodrigo Duterte.
Ang pinakahuling nagbitiw sa PDP – si Palawan Rep. Jose Alvarez bilang presidente ng partido.
Sa isang irrevocable resignation letter na may petsang Hunyo 10, 2024, “effective immediately” ang kanyang paglisan sa partido.
“Due to personal reasons, I have decided to resign from the party. I valued the opportunities and experiences presented to me and I am grateful for the support I have experienced,” saad sa isang bahagi ng “irrevocable resignation letter” ng kongresista mula sa Palawan.
Bago pa man nagbitiw sa partido si Alvarez, una nang nilayasan nina Cebu Governor Gwen Garcia, Mandaue Mayor Jonas Cortes, Bacolod City Mayor Alfredo Benitez at 60 iba pa ang PDP.
