HINDI katanggap-tanggap ang kinahantungan ng isang Pinoy seaman na nasawi sa pag-atake ng rebeldeng Houthi sa MV Tutor habang naglalayag sa Red Sea.
Sa isang pahayag, kinondena ni OFW partylist Marissa Magsino ang karahasang sinapit ng hindi pinangalanang marinong tanging hangad lang at magtrabaho para sa kanyang pamilyang nasa Pilipinas.
“Lubos po ang aking pakikidalamhati sa mga naulila ng ating seafarer. Nakakailang atake na ang Houthi rebels sa mga cargo vessels na halos laging may lulan na mga Pinoy. Nakakalungkot na laging nadadamay ang mga kababayan natin, na nais lamang magtrabaho para sa pamilya, sa mga sigalot at acts of terrorism,” ayon kay Magsino.
Panawagan ng kongresista sa pamahalaan, agad na iuwi sa Pilipinas ang labi ng nasawing marino para sa disenteng libing, at tulong ng kaukulang ahensya sa pamilyang naulila.
