MATAPOS mabisto kung paano nakapasok at nagawang manatili sa PIlipinas ang mga bulilyasong dayuhan, target ngayon ng isang prominenteng kongresista isulong ang amyenda sa umiiral na Special Investor’s Resident Visa (SIRV) program ng pamahalaan.
Para kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, higit na angkop susugan ang naturang programa para hindi magamit ng mga international drug syndicates at money launderers sa mga ilegal na aktibidad.
Giit ni Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ang naturang programa na pinangangasiwaan ng Board of Investments (BOI) ay sinasamantala ng ilang foreign nationals na tanging hangad sa pagpasok sa bansa ay para gamitin ang Pilipinas bilang pugad ng ilegal na operasyon.
Partikular na pinuna ng Mindanaoan lawmaker ang nakasaad sa Book V ng Omnibus Investment Code (Executive Order No. 226, as amended) kung saan sa ilalim ng SIRV program na nagtatakda ng $75,000 investor remittance para makapagtayo ng negosyo sa Pilipinas.
“Sa halagang P4.8 million (P58.51 to US$1), ang isang member ng isang criminal syndicate ay maaari nang pumasok, manatili at gawin ang kanilang illegal na gawain sa ating bansa gamit ang SIRV program as cover,” himutok ni Barbers.
“At sa mga banyaga, partikular na ang mga Chinese drug syndicates at money launderers, ang halaga na P4.8 million ay barya na lang sa kasalukuyang panahon kumpara sa kikitain nila sa kanilang illegal na gawain,” dugtong ng kongresista.
Kaya naman kumbinsido ang Surigao del Norte lawmaker na ang SIRV program ay madaling ginagamit ng mga Chinese nationals sa pagtatayo ng retail stores hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba pang lugar sa bansa para makapagbenta ng smuggled cheap goods mula China.
“Ito ang mga reklamo ng mga kababayan nating Filipino-Chinese o Tsinoy na engaged sa local retail businesses. Kundi lugi ay nagsarado na ang marami sa kanila. Hindi na maituturing na investors ang mga Chinese nationals na ito. Dahil nag-dagsaan na sila, mga Tsinoy na ang kanilang ka-kompetensya sa retail trade,” ani Barbers.
Usap-usapan sa kamakailan ang SIRV program na di umano’y naging daan ng pamilyang Guo para makapasok sa bansa noong January 2003 – taong 13-anyos pa lang ang ngayo’y Bamban Mayor Alice Guo.
Lumabas naman sa BOI at Bureau of Immigration (BI) documents na ang tunay na pangalan ni Alice Guo ay Guo Hua Ping at ipinanganak noong August 31, 1990 ng kanyang inang si Lin Wen Yi.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng pagdinig ang Kamara hinggil sa pagdagsa ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firms.
Lubos naman ikinadismaya ni Barbers ang mga naungkat na kabulastugan ng POGO na sangkot sa sa drugs smuggling, money laundering, fraud, kidnap-for-ransom, at iba pang criminal activities – bukod pa sa Filipino citizenship na nasungkit gamit ang mga pekeng dokumento
Ani Barbers, kabilang dito ang isang Willie Ong na hinihinalang nasa likod ng importation ng 530 kilos ng shabu (katumbas ng P3.6 billion) na inilagak sa pag-aaring bodega sa Mexico, Pampanga noong Setyembre ng nakaraang taon.
Si Ong, na nagtataglay ng mga pekeng Filipino passport at iba pang dokumento ay nakapagtayo rin ng real estate firm na Empire 999, kasama ang iba pang kapwa Tsinong nakabili ng nasa 320 titled lots sa iba’t-ibang lugar sa Central Luzon at Metro Manila.
