TALIWAS sa agam-agam ng iba’t ibang consumer groups, dekalidad ang bigas na ibebenta ng gobyerno sa presyong P29 kada kilo.
Sa isang pulong balitaan, tiniyak ni Assistant Secretary Arnel de Mesa na dadaan sa mahigpit na pagsusuri ang supply ng bigas na ibebenta ng pamahalaan sa ilalim ng programang “Bigas 29” ng pamahalaan.
“Actually, magagandang klase ito na bigas kasi matandaan natin ang NFA (National Food Authority), ang bigas niya ay galing doon sa locally-procured palay… na magaganda iyong mga palay,” paliwanag ni de Mesa.
“Actually iyong bigas, ang kagandahan niyan, habang tumatagal lalong sumasarap at nagiging mas good quality lalo na iyong up to one year,” aniya pa.
Gayunpaman nilinaw ng opisyal na may lumang stock pa rin na kailangan idispatsa ang pamahalaan – pero pagkatapos isailalim sa tinawag niyang laboratory at sensory test ng NFA.
“Ito three months at para mas sigurado pa na maayos talaga, mayroong test – laboratory at sensory test na ginagawa ang NFA sa bawat batch na nilalabas especially sa mga aging stocks natin,” paliwanag ng opisyal.
Una nang pinagtibay ng NFA Council ang programang Bigas 29 para makapagbenta ng abot-kayang bigas sa piling sektor ng lipunan, partikular ang 6.9 milyong pamilyang pasok sa kategorya ng maralita.
“Nagkaroon na tayo ng trial period ngayon, ongoing, para makita natin iyong mga posibleng logistical, administrative and financial concerns na gusto namin maging maayos bago magkaroon ng rollout, again, within July.”
