PARA kay Senador Mark Villar, napapanahon na para kalingain ang mga kawani ng pamahalaan sa anyo ng isang komprehensibong programa sa antas ng kalusugan. Sa isang kalatas, partikular na isinusulong ni Villar ang libreng Health Maintenance Organization (HMO) coverage para sa lahat ng kawani na katuwang ng pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. Bukod sa mga kawani, iminungkahi rin ng senador na isama sa libreng healthcare coverage ang kani-kanilang pamilya bilang benepisyaryo. “Ang ating mga kawani ng pamahalaan ay mahalagang katuwang sa pagsusulong ng kaunlaran at paghahatid ng serbisyo publiko. Nararapat lamang na matiyak ang kanilang kalusugan at kapakanan, lalo na sa panahon ng pagkakasakit at medical emergency,” wika ni Villar. Pag-amin ni Villar, hindi sapat ang benepisyong saklaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang sagutin ang buong gastos sa pagpapa ospital, pagpapagamot, at iba pang pangangailangang medikal. Ang resulta aniya, napipilitan mangutang ang mga kawani ng pamahalaan para ipantustos sa gamutan, bukod pa sa bayarin sa ospital. Sa ilalim ng panukala ni Villar, gagawing regular na benepisyo para sa mga kawani ng pamahalaan ang libreng HMO coverage, na magbibigay ng karagdagang access sa konsultasyon, preventive care, at pagpapagamot. Layunin din aniya ng nasabing panukala ibsan ang pinansyal na pasanin dulot ng mga hindi inaasahang gastusing medikal at mahikayat ang maagap na pagpapatingin sa doktor. Kabilang sa mga umiiral na hakbang ng pamahalaan ang Budget Circular No. 2024-6 ng Department of Budget and Management (DBM), na naglalaan ng taunang medical allowance na hanggang ₱7,000 sa mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan para sa HMO-type benefits. Samantala, sa ilalim ng Ginhawa Health Assistance Loan (G-HEALTH), maaaring umutang ang mga kwalipikadong miyembro ng GSIS nang walang interes upang tustusan ang kanilang HMO premiums. Gayunpaman, isinusulong ni Villar ang mas pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng libreng HMO coverage bilang isang mandatoryong benepisyo, sa halip na umasa lamang sa limitadong allowance o pautang na kailangang bayaran. Binigyang-diin din ni Villar na mahalagang pangalagaan ang kalusugan ng mga lingkod-bayan upang patuloy nilang magampanan nang mahusay ang kanilang mga tungkulin. “Ang pangangalaga sa kalusugan ng ating mga lingkod-bayan ay pamumuhunan sa kinabukasan ng ating bansa. Kapag may maaasahan silang serbisyong pangkalusugan, mas makapagtutuon sila sa kanilang tungkulin sa taumbayan,” pagtatapos ni Villar. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Duterte, namumuro na rin sa palyadong SALN Jonvic Remulla naisahan, natakasan ni Atong Ang