Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TINIYAK ng pamunuan ng Kamara na pagtitibayin ang tatlong legislative measures na isinusulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) bago pa man matapos ang 19th Congress sa susunod na taon.
Ito ang garantiya ni House Speaker Martin Romualdez matapos dumalo sa LEDAC meeting sa Palasyo, kasabay ng pagmamalaki hinggil sa iba pang LEDAC priority measures na naipasa ng Kamara.
Katunayan aniya, hinihintay na lamang ng Kamara ang magiging aksyon ng Senado sa mga panukalang inaprubahan sa mababang kapulungan.
“The House of the People has done its homework. Our accomplishments reflect our proactive stance in catering to the needs of the people by passing these much-needed legislation that are attuned to the Philippine Development Plan and the 8-point socio-economic agenda under the Medium-Term Fiscal Framework of the President,” ani Romualdez.
Ayon pa sa lider ng 300-plus strong member na House of Representatives na Marso pa lamang ay natapos na nila ang 20 panukala – mas maaga ng tatlong buwan kumpara sa target ng Kamara.
Sa 20 panukala, tatlo na ang naisabatas, habang may tatlo pang nasa tinawag niyang enrollment process. Dalawa na rin aniya ang pinagtibay na ng dalawang kapulungan at isa agad na natapos dahil sumang-ayon ang Kamara sa amyendang ginawa ng Senado.
Apat na panukala naman ang nakabinbin sa bicameral conference committees (Bicam), at 10 ang natapos na ng Kamara, ilan ay naaprubahan noon pang Setyembre 2023.
Sa LEDAC meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Kalayaan Hall ng Malacañang kanina, limang bagong panukalang batas ang nadagdag – para sa kabuuang sa 64 LEDAC priority measures.
Kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ang:1. Amyenda sa Foreign Investors’ Long-Term Lease Act, 2. Amyenda sa Agrarian Reform Law, 3. Archipelagic Sea Lanes Act, 4. Reporma sa Philippine Capital Markets, at 5. Amyenda sa Rice Tariffication Law.
Ayon sa lider-kongresista, muling idiniin ng Pangulo ang kahalagahan mapagtibay ang naturang priority measures para lumago ang ekonomiya ng bansa at matugunan ang hamon ng makabagong panahon.
“The President has emphasized the importance of passing these measures to advance the policies of the Marcos administration for the country’s continued economic recovery, progress, and stability of our nation,” wika ng Leyte solon.
Kumbinsido naman si Romualdez na sabayang maisusulong ng Kamara at Senado ang mga nakabinbin priority legislations sa tulong ni Senate President Francis Escudero.
“We are dedicated to working together and diligently to achieve our shared goals of passing these measures before the end of the 19th Congress,” pagtatapos ni Romualdez.
