Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASUNOD ng pagdakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa siyam na Chinese nationals na bumaba sa dredging vessel na nasa Manila Bay, nanawagan si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa Kongreso paa sa agarang pagsasagawa ng Kamara ng pagdinig hinggil sa reclamation projects sa naturang lugar.
Taong 2023 pa nag maghain si Tulfo ng isang resolusyon humihikayat sa Kongreso na imbestigahan ang pananatili ng mga Chinese nationals sa mga barkong gamit sa kontrobersyal na Manila Bay Reclamation project.
Suspetsa ni Tulfo, may nakaambang banta sa seguridad ng bansa lalo lumalabas na nakakababa mula sa kani-kanilang barko ang mga Chinese nationals para maggala sa Metro Manila.
“Ito ‘yung sinasabi ko noon na bumababa ng barko nila ang mga manggagawa na Chinese at umiikot dito sa Metro Manila. Ang tanong ngayon, ano ang pakay nila para gumala sila sa Maynila gayong wala silang mga visa?”
Aniya, mismong ang Embahada ng Amerika na sa nasa tabi ng Manila Bay ang unang nagpahayag ng pagkabahala sa Manila Bay Reclamation dahil may napuna ito hinggil sa isang Chinese company na kabilang sa reclamation project.
Base sa impormasyong nakalap ng mambabatas, ang China Communications Construction Co. (CCCC) na bahagi ng Manila Reclamation project at kumpanyang gumawa ng Chinese military installation tinabunang bahagi ng West Philippine Sea ay iisa lang.
“Kailangan na talaga natin tutukan itong seguridad ng ating bansa dahil nagkalat na ang mga yan sa ating bansa,” mariing pahayag ni Tulfo.
Noong Agosto 2023, si Tulfo kasama ang sina ACT-CIS partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, ay naghain ng House Resolution No. 1171, na humihiling sa House Committees on National Defense and Security, at Ecology, na suriin ang mga reclamation projects sa paligid ng Manila Bay.
