Ni ESTONG REYES
TARGET ng Senate ethics and privilege committee tapusin sa lalong madaling panahon ang isyu kaugnay ng bangayan ng dalawang mambabatas sa hangaring ituon ang nalalabing panahon sa mga mas mahalagang tungkulin at usapin.
Ayon kay Senate pahel chair Sen. Francis Tolentino, nagtakda na ang pamunuan ng komite ng isang executive session sa paniwalang mapagkakasundo sina Senador Nancy Binay at Alan Peter Cayetano.
Paglilinaw ni Tolentino, hindi ilalantad sa publiko ang paghaharap ng dalawang senador – “…no, closed door,” tugon ni Tolentino nang tanungin kung bukas sa publiko ang conciliation meeting.
“There are matters that we will leave to the complainant and the other person that should be settled on a personal basis, but the results will be transparent,” aniya.
Aniya, inaprubahan ng komite ang amendment sa rules nito na magsasagawa muna ng reconciliation process bago ang pagdinig sa pagnanais na magkasundo na lamang sina Binay at Cayetano.
“There are outbursts; there are things that can probably be said due to passion and emotional combustion in a setting that can probably be clarified in a more friendly atmosphere,” paliwanag ni Tolentino.
Naghain ng ethics complaint si Binay laban kay Cayetano hinggil sa sinasabi nitong “unparliamentary conduct” sa ginanap na “factual and independent review” ng New Senate Building (NSB).
