WALA na ngang pera, swak pa sa selda. Ito ang kinahantungan ng isang babaeng dinampot ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagbebenta ng bagong silang na sanggol.
Sa kalatas ng Department of Justice (DOJ), dinakip ng NBI-Human Trafficking Division ang hindi pinangalanang suspek sa ikinasang entrapment operation sa Muntinlupa City matapos magpanggap na buyer ng sanggol ang isang NBI agent.
Ayon sa DOJ, nakipag-ugnayan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), DOJ – Inter-Agency Council Against Trafficking hinggil sa panibagong bentahan ng sanggol sa Facebook.
Partikular na tinukoy ng DSWD ang isang social post kung saan ”binabargain” ang isang sanggol na anim na araw pa lang mula ng iniluwal, sa halagang P25,000.
Dito na nagkasa ng operasyon ang NBI na nagdispatsa undercover agent na nakipagtawaran sa suspek na nagpakilalang komadrona. Nagkasundo umano ang suspek at ang undercover agent na magbayaran sa Muntinlupa City kung saan natapos ang maliligayang araw ng baby seller.
Nahaharap sa kasong child trafficking, child abuse at paglabag sa Cybercrime Prevention Act ang suspek.
