BUKOD sa abiso kontra African Swine Fever (ASF) sa mga karne ng baboy, nagbabala rin ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng epekto sa manok ng mga pekeng avian influenza vaccines na itinuturok sa mga manok.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng ahensya ang anila’y lantarang bentahan sa iba’t-ibang online shopping platforms ng mga pekeng bakuna kontra bird flu.
Giit ng DA, hindi dumaan sa pagsusuri ng mga eksperto ang mga naturang bakunang ginagamit ng mga poultry farms sa mga “patabaing” manok na kalaunan ay kinakatay para ibenta sa merkado.
“Again, hindi natin nire-recommend iyan,” pahayag ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa.
Panawagan ni de Mesa sa mga poultry farmers, huwag makipagsapalaran sa mga murang avian influenza vaccines na binebenta online.
“Doon lang tayo dapat kumuha (ng avian influenza vaccines) sa mga reputable na institutions o source ng vaccines,” dugtong ni de Mesa.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa Food and Drugs Administration hinggil sa naturang usapin.
