Ni ESTONG REYES
SA hangaring tuldukan ang usapin hinggil sa lumobong halaga sa pagpapagawa ng bagong gusali para sa Senado, minabuti ni Senate President Francis Escudero na isulong ang tinawag niyang “factual independent review” ng Senate Committee on Accounts sa pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano.
Sa isang pulong-balitaan, binigyan lang ni Senate President Francis Escudero ng hanggang Agosto ang komite ni Cayetano para tapusin ang pagrerebisa sa gastusin ng New Senate Building sa Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig.
Naunang inihayag ni Cayetano na tuloy ang imbestigasyon sa lumobong gastusin sa NSB sa kabila nang ethics complaint na inihain ni Senador Nancy Binay laban sa kanya.
Bago pa man isinulong ang “factual independent review,” una nang isiniwalat ni Cayetano ang mga aniya’y questionable items sa proyekto.
“Ipagbigay alam namin yan sa mga miyembro upang kunin din ang kanilang opinyon at pananaw. Kabilang na at importanteng bahagi doon ay iyong halaga para matapos at makumpleto na yan at timetable para kung kailan kami makakalipat na ng buong buo,” wika ng Senate President.
Ilang linggo na ang nakalipas nang aminin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tumatayong lead agency sa proyekto, na higit pa sa P23 bilyon ang nagastos sa NSB.
Anila, pinagbasehan sa kabuuang halaga ng proyekto ang tantos noong 2021 at hindi kasama dito ang kasalukuyang halaga ng materyales.
Sa pagtataya naman ni Cayetano, posibleng higit pa sa P27 bilyon ang maging suma-total ng pinapagawang NSB, batay na rin di umano sa pagsusuri ng mga dalubhasa sa larangan ng vertical infrastructure projects.
“The P25 to 27 billion projected cost of NSB could be a little bit conservative pa pala,” ayon kay Cayetano.
“Developing yung story. This week kasi I found out na maraming tinatago sa atin. Kung sino ang nagtatago at bakit tinatago, I haven’t gotten to that yet but we finally received caches na halos half room full of documents and we’re getting through it,” pagtatapos ng senador.
