SA hangaring maiwasan ang pagsiklab ng panibagong komprontasyon sa pagitan ng Pilipinas at China, nakatakdang samahan ng mga tropang Amerikano ang mga sundalong Pilipino sa mga susunod na resupply mission sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing naval outpost ng bansa sa West Philippine Sea.
Partikular na tinukoy ni US national security adviser Jake Sullivan ang tinaguriang “rotation and reprovisioning mission” ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal kung saan makailang ulit nang naganap ang mga insidente ng pambabarako ng Chinese Coast Guard sa mga sasakyang dagat ng Pilipinas na bahagi ng resupply mission – o ang paghahatid ng pagkain, tubig, gamot at iba pang pangangailangan ng mga sundalong nakadestino sa BRP Sierra Madre.
Sa rekomendasyon ni Sullivan sa harap ng mga delegado ng Aspen Security Forum sa Colorado, magpapadala ng “hindi kalakihang” barko ang Estados Unidos sa West Philippine Sea, partikular sa Ayungin Shoal kung saan hindi bababa sa pitong Chinese Coast Guard ships ang nakaantabay.
Nanindigan din ang US official na kahandaan ng Estados Unidos rumesponde sa tawag ng saklolo ng Pilipinas, alinsunod aniya sa Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at US.
Katunayan pa ani Sullivan, nakikipag-ugnayan na ang Estados Unidos sa mga opisyales ng Pilipinas kung paano magiging epektibo ang pagdadala ng suplay sa nakasadsad na barko.
Garantiya ni Sullivan sa Pilipinas, gagawin ng Estados Unidos kung ano ang nararapat para sa matagumpay na resupply missions sa Ayungin Shoal.
Hunyo 17 ng kasalukuyang taon nang maganap ang pinakamarahas na komprontasyon sa West Philippine Sea. Sa datos ng pamahalaan pitong sundalong Pinoy ang nasaktan – kabilang ang isang naputulan ng daliri matapos salpukin at kalaunan ay sampahin ng mga Tsinong armado ng itak at palakol ang Philippine Navy vessel.
