ANG grupong dating kilala lang sa kanlungan ng mga terorista, sasabak na rin sa pulitika.
Sa isang kalatas, kapwa naghayag ng kahandaan umarangkada sa kauna-unahang Bangsamoro parliamentary election sa susunod na taon sina Bangsamoro Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim at Regional Speaker Ali Pangalian Balindong na kapwa haligi ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na binubuo ng mga kilalang personalidad sa likod ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Anila, target ng UBJP ipagpatuloy ang mga programang nagsusulong ng Mindanao peace process na posibleng isantabi lang kung mga traditional politicians (trapo) ang mahahalal sa pwesto.
Pag-amin nina Ebrahim at Balindong, hindi madali para sa kanila ang pagsabak sa nalalapit na halalan lalo pa anila’t sasagupa sila sa mga trapo na anila’y may malalim na bulsang pwedeng pag hugutan ng malaking pera para sa kampanya.
Ayon kay Balindong, kanilang ipinaliwanag sa libu-libong mga kasapi ng UBJP, mula sa iba’t ibang lugar sa Lanao del Sur, sa isang pagtitipon kamakailan sa bayan ng Malabang sa naturang probinsya, na isa sa layunin ng partidong pinamumunuan ni Ebrahim bilang chairman ng MILF central committee itulak ang mga programang kaugnay ng Mindanao peace process.
Para kay Balindong, hindi dapat masayang ang mga magandang bunga ng peace agreement ng Malacañang at MILF kung ang regional parliament ay napasailalim sa kontrol ng mga trapo.
Giit ni Ebrahim, tanging ang Mindanao peace process lang ng Malacañang at ng MILF ang solusyon sa ilang dekada ng “Moro issue” sa Mindanao na siya ring dahilan kaya nagkaroon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na itinatag noong 2019 batay 2014 government-MILF peace agreement.
