Ni ESTONG REYES
TULUYAN nang tinuldukan ni suspended Bamban Mayor Alice Guo ang pag-asa ng mga mambabatas na muli siyang isalang sa pagdinig ng Senado kaugnay ng di umano’y kanyang kaugnayan sa sinalakay na scam farm sa nasasakupang bayan.
Sa isang madamdaming liham na ipinadala kay Senate President Francis Escudero, humingi ng dispensa ang nagtatagong alkalde.
Ani Guo, hindi niya hangad diktahan ang Senado, kasabay ng giit na nais lang niyang ibulalas amng saloobin hinggil sa aniya’y panghihiya sa kanya nina Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chairperson Risa Hontiveros at Senador Sherwin Gatchalian.
Palusot ni Guo sa kanyang hindi pagdalo sa mga nakalipas na pagdinig ng komite ni Hontiveros, hindi niya na nanaisin pang maranasan muli ang tratuhin na parang isang kriminal na hinatulan ng husgado.
“Ako po ay tao rin na may damdamin at nasasaktan sa mga ganitong pangyayari. Pilipino po ako, may dangal at pagkatao,” wika ni Guo.
Samantala, tiniyak naman ni Gatchalian na maghihimas ng rehas sa Pasay City Jail si Guo sa sandaling maaresto.
Sa kabila ng mga usap-usapan hinggil sa pagpuslit ni Guo pabalik ng bansang China gamit ang Chinese passport, nanindigan ang naturang senador na tuloy ang pag-aresto sa nagtatagong alkalde.
“Sa sandaling mahuli siya (Guo), ako personally sasabihin ko hindi siya ilagay dito sa Senate detention cell… dapat dun siya sa Pasay City Jail dahil hindi siya karapat-dapat dito.”
