HINDI sasapat ang papasok na pananalaping mula sa mga revenue-generating agencies ng pamahalaan para punuan ang P6.352-trilyong budget ng bansa para sa susunod na taon.
Ang solusyon ng pamahalaan – uutang na naman.
Pag-amin ni Joselito Basilio na tumatayong principal economist ng Department of Budget and Management (DBM), target ng pamahalaan makasungkit ng P1.537-trilyon sa bisa ng loan agreement sa hindi pa natukoy na foreign financial institution.
Sa pagtataya ni Basilio, nasa P4.995 trillion lang ang inaasahang koleksyon ng pamahalaan mula sa buwis at taripang malilikom ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) at iba pang non-tax revenue.
“Ang magiging deficit natin would be P1.537 trillion . This is around 5.3% of the projected GDP for the next year 2025, right in line with the medium -term fiscal program as revised by our economic managers,” wika ni Basilio.
Sa sandaling maisakatuparan ang loan agreement, posible aniyang pumalo na sa P17 trilyon ang utang ng bansa sa pagtatapos ng 2025.
Kumpiyansa naman si Basilio na magtutuloy-tuloy ang sigasig na pinapamalas ng BIR at BOC sa pangongolekta. Katunayan pa aniya, inaasahan higit pa sa P1 trillion ang makakalap ng mga naturang kawanihan.
