Ni ESTONG REYES
NAGPAHAYAG ng lubos na pagkabahala sa sariling seguridad si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa di umano’y paniniktik – sa bisa ng wiretapping – na isinasagawa ng administrasyon sa kanya.
Ayon kay Dela Rosa, isang dating heneral mula sa hanay ng Philippine National Police (PNP), batid niya ang ginawang wiretapping ng administrasyon sa kanyang cellphone nakalipas na ilang buwan.
Gayunpaman, inamin ng senador wala pa siyang ideya kung alin sa mga ahensya ng pamahalaan ang nasa likod ng naturang paniniktik.
“If you are worried that your phone is being tapped or monitored, I am also worried about my cellphone. I’ve been a police officer; I know my phone is being tapped right now. I am very sure of that,” wika ni Dela Rosa.
Hindi umano niya batid kung anong teknolohiya ang ginagamit upang pakinggan ang kanyang pakikipag-usap kung kanino man gamit ang cellphone.
“Pero I know, feel na feel ko na tina-tap yung cellphone ko for a couple of months now. Kung sino ang may capability niyan, I just don’t know kung sino, but, I am sure. I am pretty sure,” aniya.
Lumitaw ang alegasyon matapos ihayag ni Kingdom of Jesus Christ legal counsel Israelito Torreon na may nakikinig sa kanyang “phone conversations,” sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs nitong Lunes.
“There must be court orders for the installation of listening devices. We have reasons to believe that even our ‘I love yous’ to our wives and our secret conversations on our phones are being listened to,” ayon kay Torreon.
Iniimbestigahan ng komite ang sinasabing excessive force na ginamit ng awtoridad sa pagsisilbi ng arrest warrants laban kay KOJC Pastor Apollo Quiboloy.
