SA kabila ng pasya ng Korte Suprema hinggil sa “unconstitutionality” ng mandatory drug test, naglabas ng mungkahi ang Commission on Elections (Comelec) sa hanay ng mga politikong target lumahok sa nalalapit na 2025 midterm election – maglabas ng patunay na walang bahid ng droga ang mga nais kumandidato.
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, higit na angkop sa mga electie positions sa pamahalaan ang mga kandidatong hindi nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Paglilinaw ng Comelec chairman, hindi sapilitan ang paglalakip ng resulta ng drug test kasabay ng pagsusumite ng Certificate of Candidacy (COC).
“Maganda ang proposal na yun. Pero wala din makakapigil sa isang kandidato kung talagang gusto niya maging transparent na maglagay ng certificate na hindi siya adik. Tatanggapin namin ‘yun. Ibig sabihin, hindi man siya mandatory, walang makakapigil kung gusto niya magpatunay na hindi siya adik. Nasa kanya ‘yan kung gusto niya gawin ‘yun,” wika ni Garcia.
Pag-amin ni Garcia, walang probisyon sa 1987 Constitution ang nagbibigay pahintulot sa mandatory drug test. Gayunpaman, nanindigan ang poll chief na mas makabubuti sa gobyerno kung maisasakatuparan ang naturang mungkahi sa tuwing may halalan.
“Titingnan natin paano kung may batas na mag-oobliga ngayon. Aalamin natin kung babangga sa decision nabanggit ko or sa provision ng Saligang Batas,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, nakasaad ang mga kwalipikasyon para sa mga nagnanais lumahok bilang kandidato sa national election – natural-born citizen ng Pilipinas, 35-anyos pagsapit ng halalan, rehistradong botante, residente ng Pilipinas ng hindi bababa sa dalawang taon at marunong magbasa at magsulat.
