Ni LILY REYES
MALAKING bentahe sa kaligtasan ng mga mamamayan ang mga inilatag na close-circuit television (CCTV) camera ng Quezon City government, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major Gen. Jose Melencio Nartatez.
Katunayan pa ayon kay Nartatez, mabilis na nadakip ng lokal na pulisya ang 36-anyos na pinaniniwalaang miyembro ng basag-kotse gang matapos makapambiktima ng isang negosyante sa Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas 8:40 ng gabi kahapon nang basagin ng suspek sa pangalang Sonny Caro ang kaliwang bahagi ng bintana ng Toyota Fortuner sports utility vehicle na nakaparada sa kahabaan ng F. Carlos Street.
Sa pagtataya ng pulisya, hindi bababa sa P60,000 halaga ng personal gamit kabilang ang P33,000 cash, sapatos, cellphone at sunglasses ang natangay ng suspek na mabilis tumakas matapos ang pagnanakaw.
Sa tulong ng CCTV, agad na natunton ang tinahak na landas ng suspek na kasalukuyang nasa piitan habang inihahanda ang kasong isasampa sa piskalya.
