ARESTADO sa mga operatiba ng Caloocan City Police Station ang suspek na di umano’y nasa likod ng pagpatay sa sariling live-in partner ilang araw pa lang ang nakaraan.
Sa isinagawang media presentation, kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Nartatez ang suspek sa pangalang Reyand Pude.
Pag-amin ni Pude, siya mismo ang pumaslang sa kinakasamang si Marian Angeline Manaois noong Agosto 14. Nang kapanayamin, sinabi ni Pude na nagawa niyang paulit-ulit na saksakin ang kinakasama dahil sa sobrang selos
“Hindi ko po pinagsisihan ang pagkakapatay,” anang suspek.
Kwento pa ni Pude, makailang ulit na umano niyang nabasa sa cellphone ng biktima ang palitan ng mensahe sa isang hindi tinukoy na lalaking di umano’y kinakatagpo ni Manaois.
Nagbago na rin aniya pakikitungo sa kanya ng ka-live in.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 7:20 ng gabi nang maaktuhan niya di umano ang pakikipagtagpo ng biktima sa harap ng isang restaurant sa Kalye Loreto Barangay 85, Bagong Barrio, Caloocan City.
Dito na aniya nagdilim ang kanyang paningin – sinaksak ng paulit-ulit ang biktima hanggang sa tuluyang bawian ng buhay.
Pagkatapos ng krimen, nadala pa di umano si Manaois sa pagamutan kung saan siya idineklarang dead on arrival. (CESAR MORALES)
