Ni ESTONG REYES
NAKATAKDANG maghain ng isang resolusyon sa Senado ang isa sa mga pangunahing suspek sa likod ng extrajudicial killings na bahagi ng madugong kampanya ng kontra droga ng nakalipas na administrasyon, sa hangaring imbestigahan ang di umano’y pagkaladkad sa pangalan ng pamilya Duterte sa P11-billion drug smuggling sa Bureau of Customs (BOC).
Partikular na tinukoy ni Sen. Ronald dela Rosa ang alegasyon ni former Customs Intelligence Officer Jimmy Guban sa pagdinig ng quad committee na binuo ng KAmara para imbestigahan ang usapin ng droga, POGO at malawakang paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay Dela Rosa na tumatayong chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kabilang sa mga ipatatawag si dating Customs Intelligence officer Jimmy Guban.
Sa pagharap kamakailan ni Guban sa quad committee ng Kamara, hayagan niyang pinukol ng alegasyon sina Davao City Rep. Paolo Duterte, Atty. Mans Carpio (asawa ni Vice President Sara Duterte) at dating presidential economic adviser Michael Yang na di umano’y may-ari ng P11-bilyong halaga ng shabu na ikinubli sa electronic lifter noong 2018.
Ani Guban sangkot din sina dating DENR undersecretary Benny Antiporda at Usec. Paul Gutierrez ng Presidential Task Force on Media Security. Pagsisiwalat ni Guban, binantaan di umano siya nina Antiporda at Gutierrez.
“Huwag mong babanggitin ang mga pangalan nina Pulong, Mans at Michael Yang. Alam namin kung saan nakatira pamilya mo. Alam din namin na nasa Makati ang anak mong lalaki,” wika ni Gutierrez batay sa kwento ni Guban.
Para tiyakin hindi magsisinungaling ang start witness ng Kamara, plano ni dela Rosa isalang niya si Guban sa lie-detector test.
“Tanungin ko siya. ‘Are you willing to take a lie detector test?’ I-polygraph test kita ngayon kung nagsasabi ka ng totoo,” sambit ng senador sa isang panayam sa radyo.
Para kay dela Rosa, malinaw na hangad lamang di umano ng testimonya ni Guban gibain si Vice President Sara Duterte bago pa man sumapit ang 2028 presidential election.
“He (Guban) is a convicted drug trafficker at kahit kung sino-sino ang dinadamay niya… pati asawa ni ni Vice President Sara Duterte… Halatang scripted ang mga sinasabi niya, mayroong director, mayroong nagda-direct sa kanyang sasabihin para gibain talaga yung mga Duterte,” patutsada pa niya.
Gayunpaman, may-agam-agam pa rin si dela Rosa lalo pa’t posible di umanong ibaon sa limot o ilipat sa ibang komite ang ihahain niyang resolusyon para hindi niya maigisa ang testigo ng Kamara.
“Kung hindi haharangin, hindi iha-hijack yung aking resolution eh magpa-file ako ng resolution na imbestigahan yung pinagsasabi ng taga-Customs na convicted na,” diin ng senador.
Samantala, mananatili sa kustodiya ng Bureau of Corrections (BuCor) si dating Bureau of Customs (BOC) intelligence officer Jimmy Guban na humarap sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes kaugnay sa illegal drug operations sa bansa.
Ayon ito kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, kasunod ng kahilingan ni Guban na isailalim siya sa kustodiya ng Kamara at Witness Protection Program (WPP).
Natatakot umano si Guban para sa sariling kaligtasan at sa kanyang pamilya dulot na rin ng bigat ng kanyang mga testimonya.
Ani Barbers, tanging ang Department of Justice (DOJ) ang pwede magpasya sa hirit na WPP ni Guban.
“Ang nire-request yata niya is maging state witness, meaning, he will avail himself of the WPP, yung Witness Protection Program. And, if he is eligible, of course, DOJ na ang magde-decide. Pag eligible siya, he will be given that opportunity,” ayon kay Barbers.
