Ni LILY REYES
SA kabila ng agresibong programa ng pamahalaan sa larangan ng enerhiya, magpapatuloy ang buwanang pasanin ng sambayanang Pilipino – ang mataas na singil sa konsumo ng kuryente.
Pag-amin ni Energy Regulatory Commission chairperson Monalisa Dimalanta, aabot hanggang 2027 ang pagtaas ng singil sa kuryente.
Ayon kay Dimalanta, matatapos sa Setyembre ang una sa apat na bahagi ng dagdag-singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) bunsod ng pagnipis ng supply na pahiwatig ng mga idineklarang red alert noong unang semestre ng kasalukuyang taon.
Pagsapit naman aniya ng Oktubre, arangkada naman ang price increase ng mga natural gas plant na kinontrata ng Manila Electric Company (Meralco).
“Iyan magsisimula mula October hanggang sa susunod na taon. Hangga’t may bisa ang kontrata, magiging ganun ang presyo. Ang kontrata yung isa hanggang 2025, yung isa hanggang 2027,” wika ni Dimalanta sa isang panayam sa radyo.
“Iyan ‘yung increase na inaasahan natin sa natural gas plant,” dugtong ng ERC chief.
Paliwanag ni Dimalanta, kumukuha lang ng supply ang mga planta ng natural gas sa Malampaya natural gas field – subalit dahil sa napipintong pagkaubos ng naturan gas deposit, napipilitan na lang di umano ang ibang power plant na umangkat ng Liquefied Natural Gas (LNG) mula sa ibang bansa.
Katulad ng diesel plant na panay ang taas ng rate ng kuryente, sinabi ni Dimalanta na malikot din ang presyo ng natural gas plant dahil sa pabago-bagong presyo ng LNG sa pandaigdigang merkado.
“May bahagi ng natural gas plant natin ang exposed sa ganung kalikutan.”
Ito rin aniya ang nagtulak sa kasalukuyang administrasyon na mas paigtingin ang renewable energy program, gayundin ang planong pagtatayo ng bagong nuclear power plant.
