Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BUKOD sa hirit na pensyon at pagpapalawig ng termino, target ng pamunuan ng Kamara isulong ang isang panukalang batas na magbibigay-daan naman para sa komprehensibong benepisyo at suporta sa mga barangay.
Sa isang kalatas, pasok din sa tutukuran ni House Speaker Martin Romualdez ang mga panukalang batas para sa pangangalaga sa kapakanan at higit pang pagpapaunlad sa kabuhayan ng mga barangay officials.
Sa pagdalo sa panibagong batch ng Liga ng mga Barangay National Congress sa World Trade Center (WTC), Pasay City, sinabi ni Romualdez na bukod sa hirit na gawing taon ang termino ng mga halal na opisyales ng barangay, target din ng Kongreso magkaroon ng insurance coverage at lifetime pension ang mga kapitan at kagawad ng barangay sa bisa ng tinawag niyang Magna Carta for Barangays.
“Nais ko ring ipahayag na kahit abala tayo sa mga hakbangin na ito, hindi pa rin natin pinapabayaan ang pangarap nating magkaroon ng Magna Carta for Barangays,” paglalahad pa ng House Speaker.
“Sa panukalang ito, layunin natin na gawing komprehensibo ang mga benepisyo at suporta na ibinibigay natin sa mga barangay officials,” dugtong ng lider ng 300-plus strong House of Representatives.
Nauna nang inanunsiyo ni Romualdez sa naunang batch ng LNB National Congress na sa kanyang pagkikipagpulong kay SSS President Rolando Macasaet ay ipinaabot niya ang mungkahing maging automatikong miyembro ng social pension institution ang mga barangay officials – nang walang babayarang kontribusyon, bukod pa sa pensyon at insurance.
Layon ng Leyte lawmaker palawigin ang termino ng mga nasabing opisyal ng hanggang anim na taon upang hindi maiugnay sa usaping politikal at mas matutukan ang pagtupad sa kanilang tungkulin.
Sa pagbalangkas ng Magna Carta for Barangays, hinimok ni Romualdez ang mga opisyal na aktibo silang ng makilahok sa pagtalakay nito sa Kongreso.
“Umaasa ako na magiging katuwang namin kayo sa pagbubuo ng batas na ito. Hinihikayat ko kayong lahat na magpasa ng mga position papers at ipagpatuloy ang ating ugnayan upang masigurong maisama ang inyong mga kahilingan sa panukalang ito,” sabi pa ng House Speaker.
Giit niya, malaki ang papel na ginagampanan ng mga taga-barangay partikular ang magsilbing ugnayan ng national government sa pagpapaabot ng iba’t-ibang programa at serbisyo sa mga komunidad.
“Ang Liga ng mga Barangay ay isa sa mga pinakamahalagang organisasyon sa ating bansa ngayon dahil sa papel na ginagampanan ninyo sa ating mga komunidad,” ani Speaker Romualdez.
