Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA gitna ng santambak na testimonyang nagpapatunay sa sistematikong patayan sa tinaguriang giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, isang hamon ang paabot ng isang kongresista kay former Philippine National Police chief at ngayo’y Senador Ronaldo dela Rosa.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, dapat nang pagnilayan ni dela Rosa ang kanyang susunod na hakbang matapos isiwalat ni Col. Jovie Espenido ang partisipasyon ng senador sa aniya’y pekeng drug war ni former President Rodrigo Duterte.
“Senator Dela Rosa, ang hinihingi natin dito ay simple lang — maging tapat tayo sa taumbayan at sa Diyos. The truth has a way of coming out, no matter how much we try to hide it. It is better to face it now with honesty,” mensahe ni Libanan kay dela Rosa.
Bukod aniya sa mga lingkod-bayan, mahalaga rin di umano ang pagkakaroon ng integridad ng bawat mamamayan.
Para kay Libanan, mabigat ang alegasyon ni Espenido kay dela Rosa na pinaratangang protektor ng mga bigating drug lord.
“As a former PNP chief, dapat si Senator dela Rosa ang ehemplo ng katapatan at katarungan. Ngunit ngayon, mas mahalaga na siya’y maging ehemplo ng pagsisisi at pag-amin. Tanggapin natin na walang sinuman ang makakatakas sa hustisya ng Diyos at ng batas,” giit ng kongresista.
“Dapat din ihayag ni Sen. dela Rosa ang katotohanan tungkol sa kanyang papel sa pagkamatay ng mahigit 27,000 Pilipino sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” dugtong ng lider ng minority bloc sa Kamara.
“Hindi natin maaaring kalimutan ang sinabi sa atin sa 1 John 1:8-9: ‘If we claim to be without sin, we deceive ourselves and the truth is not in us. If we confess our sins, He is faithful and just and will forgive us.’ Alam nating lahat na walang lihim na hindi nabubunyag,” bulalas ni Libanan.
Gayunpaman, naniniwala si Libanan na may pagkakataon pa si dela Rosa humingi ng kapatawaran at gawin ang tamang hakbang sa pag-amin ng kanyang naging papel sa mga extrajudicial killings.
“Senator, it’s never too late to turn back to what is right. Hindi pa huli ang lahat para sa pag-amin at pagsisisi. The path to redemption is always open for those willing to walk it,” saad pa ni Libanan.
Nanawagan naman si Libanan sa iba pang mga saksi na lumantad na rin upang matiyak na makakamit ang katarungan para sa mga pamilya na nawalan ng mga mahal sa buhay sa panahon ng kampanya kontra ilegal na droga.
