Ni EDWIN MORENO
HABANG papalapit ang halalan, unti-unting nagkakalinaw ang usap-usapan tungkol sa di umano’y planong pagsabak sa politika ng isang gambling lord sa lalawigan ng Batangas na kilala sa pangalang Mike Romantiko.
Sa bawat kanto at eskinita, kilalang kilala si Mike Romantiko. Maski sa mga himpilan ng pulisya, mistulang artista sa K-Pop drama ang dating ni Mike Romantiko. Sa dami ng kanyang kwarta, hindi malayong patron na rin siya sa kapitolyo.
Paihi, bookies, sakla at iba pang kanser sa lipunan, lahat yan pasok sa kanyang talaan ng kabuhayan. Kaya naman hindi kataka-takang maisipan niyang pumalaot sa politika.
Pero di tulad ni Manny Pacquiao na ipinamahagi sa mga maralita ang bahagi ng limpak-limpak na perang kinita sa larangan ng boksing, si Mike Romantiko may ibang plano – ang gawing Gambling Capital ang Batangas sa sandaling siya’y makalusot bilang gobernador sa tulong ng kanyang mga amuyong at protektor ng negosyo.
Gaano kalawak ang sindikato ni Mike Romantiko? Ang totoo, buong Batangas may mga galamay ang damuho pero pinakatamalak sa Malvar, Lipa, Batangas City, Nasugbu at Tanauan kung saan wala maski isang nangahas salingin ang sindikato ni Mike Romantiko.
Sino nga ba ang kanyang mga galamay na nagkukumahog sa paglikom ng pondo sa kampanya ng damuhong Romantiko?
Nandyan ang tinaguriang triad chiefs na sina Tisoy, Nonit at Jeff.
Sa ilalim ng tatlong itlog sina Rico Mendoza, Dondon Alahas, alyas Violago at Sgt. Buloy na parker ni Mike Romantiko sa sindikato ng fuel smuggling sa Port of Batangas.
Pasok din sa talaan ng galamay (sa negosyong pasugalan) ni Mike Romantiko sina Onda, Rommel, Baby, alyas Sgt. De Guzman, Doña Liza, Bokbok, Rea, Mylene, Ana Tomboy, Gary, alyas Kap. Ronald ng Barangay Sabang, Kap. Randy ng Barangay Sulok, Icaro G., Macoy, Lopez, Junior Biscocho, Abalos, Melchor, alyas Konsi Burgos, Gerry, Cristy, at Bagsic.
Sa panig ng mga protektor, nandyan naman ang mga punong abala sa Batangas Provincial Police at maging ang nakaupong boda sa kapitol na si loverboy Dodo.
Hindi rin papayag mabukulan ang mga protektor sa lokal na pulisya hanggang sa munisipyo.
Kaya naman pala… lahat sila busog.
