Ni ESTONG REYES
PINALAGAN ni Senador Risa Hontiveros ang “K-Pop” treatment ng National Bureau (NBI) kay Alice Guo pagdating ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos madakip sa Indonesia.
“We want answers, not a photoshoot. Matapos niyang makipag taguan sa batas, ginawa namang fan-meet nitong si Alice Guo ang pagkakaaresto niya. Kulang na lang, red carpet,” patutsada ni Hontiveros sa “welcome treatment” ng NBI kay Guo paglapag pa lang ng sinakyang private jet sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Tingnan natin kung gaano siya ka-photogenic sa hearing sa Lunes. Unli-pictures siya doon,” dagdag ni Hontiveros.
Hindi rin nakalusot sa mapanuring mata ng mambabatas ang mala-celebrity treatment ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kay Guo.
“Isang paalala rin sa ating mga kasamahan sa gobyerno, hindi dapat ginagawang social event ang pag-aresto sa isang puganteng sangkot sa patong-patong na kaso ng human trafficking, money laundering, fake identity, gross misconduct, illegal recruitment and detention, at corruption,” giit ni Hontiveros.
Sa pananaw ng senador, pinaglaruan ni Guo ang batas ng Pilipinas at ginamit ang kanyang posisyon upang makapag-operate ang POGO na nabistong sangkot sa kidnapping, murder, human trafficking, at prostitution.
“Alice Guo, the fake Filipino, will have a lot of explaining to do on Monday,” ayon sa mambabatas.
“Pagbabayaran niya ang pagsisinungaling niya, ang pagtago, pagtakas, at ang panloloko sa sambayanang Pilipino,” aniya pa.
Para kay Hontiveros, hindi rin angkop ang aniya’y maneobra ng hudikatura na ikulong sa tarlac ang puganteng former mayor ng Bamban sa naturang lalawigan kaugnay ng mga nakasampang kasong human trafficking, money laundering at murder.
Hirit ni Hontiveros, sa Senado ikulong ang kauna-unahang Chinese national na naluklok bilang mayor ng isang munisipalidad sa Pilipinas.
“Ginagalang ko ang karapatan ng judiciary na mag labas ng warrant pero ang senado ang may pinaka-unang arrest warrant laban sa kanya. Ang Senado ang nag-trigger ng manhunt. Senate warrant ang bitbit ng ating law enforcement sa Jakarta,” giit pa niya.
Binanggit din niya na malinaw ang desisyon ng Korte Suprema sa Binay vs. Sandiganbayan na anumang kaso ng isang local official ay nasa eksklusibong hurisdiksyon ng Sandiganbayan.
“Bakit po kaya Tarlac court ang nag issue? At bakit siya dinala sa Tarlac? Hiniling ko na si Gen. Ancan ng OSAA ay sumunod doon para mamonitor ang mga pangyayari doon,” dagdag ng senadora.
“Kaya pagkatapos siyang i-process ng NBI o PNP, kailangan ma-iturnover na siya sa OSAA. That was clear from the very start and that was the commitment of NBI Director Santiago,” paliwanag ng mambabatas.
“Ngayon kung si Guo Hua Ping ay di mag piyansya, ibig sabihin mas gusto pa niya makulong sa PNP kaysa sa Senate. We need to ask why. Why does she want to be in jail more than in the senate detention facility?”
