HINDI pa man nalulusutan ni Kingdom and Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy ang isa man sa mahabang talaan ng kasong kriminal, isang bagong alegasyon ang nagdadawit sa kontrobersyal na religious leader sa white slavery o ang pangangalakal ng babae.
Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo na nakarating na sa kaalaman ng pambansang pulisya ang impormasyon na umano’y ginagamit na pangregalo sa piling kaibigan ni Quiboloy ang mga babaeng miyembro ng KOJC.
Para kay Fajardo, hindi biro ang naturang alegasyon, kasabay ng pahayag na kailangan muna beripikahin ng PNP ang bintang ng mga dating miyembro ng private army na kilala sa tawag na “Angels of Death” ni Quiboloy.
Mas angkop muna aniyang hawakan ang sinumpaang salaysay ng mga nagpakilalang biktima ng kahalayan ng KOJC founder at ng mga niregaluhan kaibigan.
Mas magiging malakas din aniya ang kaso kung may lulutang na biktimang magpapatunay at magbibigay ng sinumpaang salaysay na sila’y ibinigay bilang handog ng dating presidential spiritual adviser ni former President Rodrigo Duterte.
Kung mapapatunayan totoo ang mga akusasyon, handa naman aniya ang PNP na sampahan ng kaso ang sinumang indibidwal na lumabag sa batas.
