Ni ESTONG REYES
SA halip na sumabak sa senatorial derby, mas pinili ni dating Senador Leila de Lima na tanggapin ang alok na maging first nominee ng partylist group na Mamamayang Liberal ng Liberal Party para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Bukod kay de Lima, pasok din sa mga nominado ang katutubong si Teddy Baguilat at LP Executive Vice President Erin Tañada.
Sa kanyang Facebook, ibinida ni de Lima ang layong ng ML partylist group – ang “katarungan panlipunan”.
“Walang atrasan. Tuloy na tuloy na ang laban! In all humility and conviction, I accepted today the nomination as a lead nominee of the party-list Mamamayang Liberal (ML), the sectoral wing of the Liberal Party (LP), for next year’s elections,” wika ni De Lima.
“Isusulong natin nang buong sigasig at katapatan ang katarungang panlipunan,” aniya pa.
Taong 2022 nang kumandidato si de Lima sa posisyon ng senado. Gayunpaman, hindi pinalad makalusot sa Magic 12 ang dating senador na nakapiit pa sa mga naturang panahon bunsod ng kabi-kabilang drug charges na isinampa ng nakalipas na administrasyon.
