NI FERNAN ANGELES
KASABAY ng pag-inog ng teknolohiyang hatid ng makabagong panahon ang pagbabagong-anyo ng korapsyon sa gobyerno.
Ito ang masaklap na katotohanan na nabunyag sa unang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na inatasan magsagawa ng pagsusuri sa di umano’y paglulustay ng “confidential funds” ng Office of the Vice President (OVP) sa nakalipas na dalawang taon.
Bukod sa OVP, pasok din sa binubusisi ng komite ang pondo ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan bilang Kalihim ni Vice President Sara Duterte.
Kung pagbabatayan ang resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa OVP at DepEd, malinaw na may bulilyaso lalo pa’t walang malinaw na detalye at paliwanag si Duterte kung saan napunta at paano naubos ang pera ng dalawang tanggapan.
P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw? Susmaryosep! Sa naturang halaga, P73.3 milyon ang hindi maipaliwanag kung saan ginastos – posible bang sa mga kaalyado sa politika o sa sariling bulsa, katulad ng ginawa ng kanyang ama?
Ang totoo, walang dahilan para bigyan ng confidential fund ang DepEd, maliban na lang kung mandato ng nasabing kagawaran isulong ang seguridad ng bansa laban sa mga dayuhang mananakop, mga komunista o terrorista.
Kailan pa naglunsad ng isang operasyon kontra sa mga pwersang nais magpabagsak ng pamahalaan ang DepEd?
Sa ganang akin, dapat limitahan ang confidential funds sa mga ahensyang may kinalaman sa seguridad ng bansa tulad ng Department of National Defense (DND) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Ang masaklap, lumalabas sa pagsusuri ng COA na mas malaki pa ang confidential fund ng OVP kesa sa DND at NICA. P500 milyon sa OVP habang P438 milyon lang sa DND at NICA.
Ang tanong — ano kinalaman ng OVP sa seguridad ng bansa? Malinaw sa 1987 Constitution na “spare tire” lang ang bise-presidente sakaling pumanaw o malaglag sa pwesto ang halal na Pangulo.
Sa pag-amin ni VP Sara, hindi talaga ginamit para sa mga inisyatibang pang-seguridad ang confidential fiund na inilaan sa kanyang tanggapan.
Kabilang aniya sa pinagbuhusan ng naturang pondo ang pagpapagawa ng isang vice presidents’ museum at isang permanenteng opisina ng OVP. Ano naman ang pakinabang ng mga Pilipino sa mga naturang proyekto?
Ang sagot, waley!
Nang dumalo si VP Sara sa pagdinig ng Kongreso upang imbestigahan ang paggamit niya ng mga pondo, tumanggi siyang manumpa na magsasabi lamang ng katotohanan sa mga pagdinig. But wait there’s more, nagwalk pa si VP Sara para umiwas sa mga nais magtanong — kongresista man o mga peryodista.
Wika nga ng mga matatanda, walang dapat ikatakot kung walang itinatago. The law applies to all, otherwise none at all.
