
SA loob ng anim na taon ng panunungkulan sa Palasyo, hindi maitatago ni former President Rodrigo Duterte ang sandamakmak na bulilyaso sa kanyang termino bilang Pangulo.
Sandamakmak na patayan, garapalang puslit-droga sa mga pantalan, sistematikong katiwalian – ilan lang yan sa tampok sa kanyang panunungkulan. Ang punong dahilan – si Duterte mismo.
Sa patuloy na pagdinig ng quad committee ng Kamara, isa-isang lumalabas ang mga buhay na patunay at saksi sa mga alegasyon. Higit pa sa mga dating alegasyon ay ang mga impormasyong matagal nang nakabaon.
Ubos na ang nerbyos sa hanay ng mga saksi. Patunay ang mga impormasyon hinggil sa nabunyag na mekanismo ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado sa loob ng ating sariling puwersa ng pulisya – extrajudicial killings, kalakalan ng droga, katiwalian, gawa-gawang kaso laban sa mga hindi kaalyado, at iba pang kasuklam-suklam na krimen.
Ang pagpatay kay dating PCSO board member Wesley Barayuga ay isang nakagigimbal na halimbawa ng laganap na manipulasyon sa tinaguriang ng narcolist na nagbigay-daan sa karahasang may basbas ng estado.
Matapos paslangin noong Hulyo 30, 2020, pinalabas na sangkot sa kalakalan ng droga si Barayuga. Bago pa man pinatay, lumutang ang mga taong aminadong nagamit sa krimen sa paniwalang nasa narco list si Barayuga, batay sa impormasyong ibinahagi ni National Police Commissioner Edilberto Leonardo.
Higit pa kay Leonardo, lumutang ang kapural na nagbigay ng direktiba – si dating PCSO General Manager Royina Garma na kilalang “super close” kay Digong na pasimuno ng malawakang patayan bilang bahagi ng giyera kontra droga.
Isa lang ang malinaw – pinuntirya si Barayuga para hindi makapagsalita sa garapalang korapsyon sa ahensyang pinamumunuan ni Garma na super close kay Digong.
Walang pinag-iba sa kaso ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na idinawit sa narco list dahil sa pag kontra kay Duterte, sukdulang tawaging “most shabulized” narco-politician ang noo’y alkalde ng lungsod.
Ang ebidensya ni Duterte — wala, wento lang.
Sa paglutang ni Mabilog, lumalabas na ang tunay na dahilan kung bakit siya pinuntirya ay dahil di siya sumang-ayon kaladkarin ang pangalan ni dating Senador Franklin Drilon sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot — tulad na ginawa kay former Sen. Leila Delima.
Hindi sapat ang katagang “nakakabahala” para ilarawan ang kalakaran sa anim na taong pamamayagpag ng extrajudicial killings, illegal POGO at kalakalan ng droga.
Bigla kong naalala ang kanyang linyang ginamit sa kandidatura — “I hate drugs” na ginamit sa kampanya. Fast forward tayo, Nang maupong Pangulo isinuslong ang pekeng giyera kontra droga sa tulong ng kalbong tuta na itinalagang hepe ng pambansang pulisya – si Bato dela Rosa.
Sa kumpas ni dela Rosa, isa-isang itinumba ang karibal ng sindikato ni former Presidential Economic Adviser Michael Yang sa negosyo ng droga.
Para tiyakin mauubos ang karibal ni Yang sa negosyo ng ilegal na droga, pinapasok ang illegal POGO na pinagkunan ng pondong ginamit na pabuya ng mga pulis sa kada ulo ng pinaghihinalaang sangkot sa bentahan ng droga.
Nakakagimbal na legasiya. Yan ang pamana ni Duterte.