NI LOUIE LEGARDA
SA gitna ng walang patumanggang batikos sa mga nakalipas na buwan, tuluyan nang naubos ang pasensya ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng mga patutsada laban sa mismong katambal na halalan — si Pangulong ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pulong-balitaan, hayagang inilarawan ni VP Sara si Marcos na walang alam kung paano maging Pangulo.
“Hindi ko kasalanan that we’re on this road to hell… Hindi marunong maging presidente ang nakaupo. Kasalanan ko ba yun?” banat ni Duterte.
“Kasi kung alam mo naman na may kakulangan ka, bibilisan mo yung gagawin mo para mag-catch up. Hindi ka naman uupo lang doon,” dugtong ng pangalawang pangulo.
Katunayan aniya, may limang bulilyaso umano ang Pangulo na pwedeng gamitin para ma-impeach siya sa pwesto bilang Pangulo.
“Sabihin ko sa inyo, may listahan ako ng limang bagay na impeachable offense niya, pero sa tingin niyo, papasa diyan sa House? Of course not, ‘di ba,” aniya pa.
Mayo 2022 nang magsanib pwersa sina Marcos at Duterte para sa dalawang pinakamataas na pwesto sa pamahalaan.
Gayunpaman, mabilis na nagkalamat ang relasyon ng dalawang lider ng bansa hanggang sa tuluyang kumalas si VP Sara bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd) at Vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Naniniwala rin si VP Sara na ginagastusan ng administrasyon ang isang malawakang demolition job sa hangaring gibain ang reputasyon ng pamilya Duterte sa bisa ng mga pagdinig sa Kamara kung saan aniya naglalabas ng gawa-gawang istorya – kabilang ang di umano’y anomalya sa pondo ng kanyang opisina.
