PAGKATAPOS ng dalawang sunod na big time oil price hike, baryang rollback ang sukli ng mga kumpanyang nagbebenta ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Base sa pagtataya ng Department of Energy (DOE), posibleng tapyasan ng 50 sentimos ang presyo kada litro ng gasolina habang piso naman ang inaasahang bawas sa krudo. Para sa kerosene, 90 sentimos.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, bahagyang bumagsak ang kalakalan ng langis sa pandaigdigang merkado sa nakalipas na apat na araw.
Kabilang rin aniya sa mga dahilan sa likod ng rollback ang paghupa ng tensyon sa Middle East at ang labis na produksyon ng langis sa mga bansang miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), at ang pagbagsak ng demand ng mga bansa kung saan tinutulak ang e-vehicles.
Base sa datos ng kagawaran, pumalo na sa mahigit P9.00 ang itinaas sa presyo kada litro ng gasolina, habang nasa P6.75 naman sa nadagdag sa presyo kada litro ng krudo mula Enero ng kasalukuyang taon.
Nasa P2.75 naman kada litro ang nadagdag sa presyo ng kerosene.
