NI FERNAN ANGELES
SA dami ng bulilyasong nabisto sa mga nakalipas na pagdinig ng Kongreso kaugnay ng paglustay sa pondo ng gobyerno, nagkandabulol ang dalawang alagad ni Vice President Sara Duterte — sukdulang pumalpak ang dapat sana’y pagtatanggol sa kanilang amo.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government noong Huwebes hinggil sa hindi wastong paggamit ng confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Department of Education (DepEd), sumalang sa “hot seat” si former Education Undersecretary Michael Poa at retired Major Gen. Nolasco Mempin na tumayong “consuholtant” ni noo’y DepEd Secretary Sara Duterte.
Pero sa halip na sabuyan ng tubig ang nag-aapoy na kontrobersiyang kinasasangkutan ni VP Sara, tila nagbigay pa ng karagdagang apoy ang kanilang testimonya.
Hindi basta kinagat ng mga kongresista ang kanilang testimonya. Sa halip na maniwala, minabuti ng mga mambabatas suriin ang kani-kanilang tugon sa pinupukol na katanungang naghahanap ng linaw kung paano at saan napunta ng milyon-milyong pondo.
Pero tila hindi yata pinaghandaan nina Poa at Mempin ang pagharap sa Kamara. Kaya ang resulta — nasukol silang dalawa.
Sa isang banda, wala naman talaga silang kinalaman lalo pa’t hindi naman sila kasali sa pagpapasya pagdating sa usapin ng paggastos sa pera ng ahensya.
Sa testimonya ni Poa, hayagan niyang inamin na siya mismo ang humiling kay Mempin na kumuha ng sertipikasyon mula sa mga unit ng militar para pasakan ang mga butas na nasilip ng Commission on Audit (COA) hinggil sa P15.54 milyong halaga ng confidential funds na di umano’y inilaan sa mga impormante.
Dito na nataranta si Poa. Kaya naman ang kanyang ginawa, hugas-kamay na lang muna sa paglustay sa pondo ng departamentong dating hawak ng pangalawang pangulo. Sa bawat tanong, iwas-pusoy ang sagot ni Poa.
Todo-tanggi ang dating tagapagsalita ni Sara sa tanong kung siya’y bahagi ng grupong naglalatag ng plano. Nang tanungin kung sino ang nagpapasya kung paano gamitin ang pondo ng departamento, dito niya ganap na inginuso ang kanyang amo.
Maging si Mempin, muntik nang madiin. Dangan naman kasi, todo tanggi ang damuho sa paggamit ng confidential funds sa mga youth summits na pinangunahan ng AFP. Ang siste, hindi yata siya nasabihan na may mga dokumentong ipinasa sa COA ang DepEd.
Sa naturang dokumento, sinangkalan ng DepEd ang youth summits para sa liquidation report na naglalayong takpan ang bulilyaso sa P15-milyong confidential fund na inilaan para sa naturang departmento.
Bakit nga ba humingi ng sertipikasyon ang Deped sa ibang ahensya hinggil sa paggamit ng pondo sa mga Youth Leadership Summits? Para palabasin DepEd ang gumastos sa aktibidad ng AFP?
Malinaw na binigo nina Poa at Mempin si VP Sara. Kasi naman sa halip na pagtakpan ang amo, inuna pang isalba ang sariling pundilyo para iwas-bulilyaso. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang mga irregularidad sa DepEd, batay sa COA report. Sa testimonya ng dalawang tuta, lalo pa tuloy nadiin si VP Sara.
In fairness, ginawa naman nina Poa at Mempin ang kanilang makakaya. Sadya nga lang mahirap pagtakpan ang bulilyaso ni VP Sara.
