SA kabila ng inaasahang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, bahagyang nabawasan ang kabog sa dibdib ng mga motorista. Ang dahilan — barya lang ang ipapataw na umento.
Sa abiso ng mga kumpanya ng langis, 20 sentimos lang ang ipapataw na dagdag sa presyo kada litro ng gasolina, habang 50 sentimos naman sa krudo na karaniwang gamit ng mga pampasadang sasakyan.
Sa hudyat ng alas 6:00 ng umaga bukas magkakabisa ang dagdag-presyo.
Ayon sa Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), ang paggalaw sa halaga ng mga produktong petrolyo ay bunga ng mahinang demand sa China at United States, ang surprise build sa American stocks, ang inaasahang paghupa ng tensyon sa Middle East, at inaasahang pagtaas ng pangangailangan ng South Korea sa diesel .
Sa pinag-isang datos ng DOE sa galawan ng presyo sa lokal na merkado mula buwan ng Enero, umabot sa P9.05 per liter ang kabuuang nadagdag sa presyo ng gasolina, P6.75 per liter sa diesel, habang nabawasan ng P2.75 per liter ang halaga ng kerosene.
