DALAWANG araw matapos ang maglisan ng super-bagyong Kristine, patuloy ang paglobo ng bilang ng mga binawian ng buhay sa iba’t ibang panig ng kapuluan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakahuling situational report ng NDRRMC, pumalo na sa 116 ang kabuuang bilang ng mga namatay, habang 39 ang nawawala, bukod pa sa 109 nasaktan.
Nasa 6.7 milyong tao (katumbas ng 1.6 milyong pamilya) mula sa 10,147 barangay ang apektado. Sa naturang bilang, halos isang milyon ang napilitan lumikas sa gitna ng pananalasa at pansamantalang nakasilong sa 6,286 evacuation centers.
Batay sa pagtataya ng Department of Agriculture (DA), pumalo na rin sa P2.5 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura, habang P1.5 bilyon naman sa imprastraktura ayon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Umabot naman sa 3,004 bahay ang winasak ng bagyong kristine, habang nakapagtala naman ng bahagyang pinsala ang 41,533 kabahayan sa mga lalawigang binayo ng ngitngit ng bagyo.
Samantala, 676 na kalsada at 96 tulay ang hindi pa pwedeng daanan ng mga motorista.
Sa kabuuan, 160 lokalidad ang nagdeklara ng state of calamity.
