SA gitna ng mga batikos, patutsada at panghahamak sa pamilya, hinikayat ni former President Rodrigo Duterte ang anak na si Vice-President Sara Duterte na magretiro na lang sa pulitika.
Ayon kay Duterte, wala nang dahilan pang manatili sa gobyerno si VP Sara lalo pa’t pilit na pinipilay ng Kongreso ang tanggapan ng pangalawang pangulo — bukod pa sa hindi na niya kasundo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para sa dating pangulo, sapat na karangalan na para kay VP Sara ang magsilbing bise presidente ng bansa.
“Si Inday, pasalamat ka na lang sa Diyos na ang tatay mo naging Presidente, ikaw naging Vice President. Bihirang-bihira yan, bihira sa isang pamilya. Hindi lahat ng pamilya sa Pilipinas… pasalamat na lang tayo. Now, as fast as you can, get out of politics,” wika ng dating pangulo sa isang pulong-balitaan sa lungsod ng Davao.
Sakaling pagbigyan, pwede naman aniyang magnegosyo na lang si VP Sara para makapamuhay ng payapa at malayo sa maruming pulitika.
“Maghanap buhay ka, negosyo, basta mabuhay ka lang [ng] mapayapa. Umalis ka na dyan sa politika. Huwag ka na mag-ambisyon, tutal vice president ka na,” ani Duterte na aminadong hindi madaling pasunurin ang anak na abogada.
Sa Kamara, patuloy na iniimbestigahan ng quad committee ang paggamit ng pondo ng Office of the Vice-President at Department of Education (DepEd) kung saan siya nagsilbing kalihim.
Usap-usapan din sa Kamara ang nilulutong impeachment case laban sa pangalawang pangulo.
