NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA kay House Speaker Martin Romualdez, hindi angkop na isantabi ang programang nagsisilbing “lifeline” ng mga Pilipinong kapos ang kita.
Sa isang ambush interview sa isinagawang Tabang Bikol–Tindog Oragon relief caravan at mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Albay, partikular na tinukoy ni Romualdez ang programang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target kapunin ng senado sa alokasyon ng gobyerno.
Sa halip na isantabi, nanawagan ang lider ng Kamara sa mga mambabatas ng Senado na bumaba sa mga komunidad para personal na alamin ang pulso ng masa sa nasabing programa.
“Opo nadidinig po natin (sigaw ng publiko). Yung iba sa Senado, hindi yata nakakaintindi kasi hindi yata sila bumababa masyado,” pasaring ng lider-kongresista.
“Kaya nandito kami, umiikot kami lahat sa mga probinsya, dito sa mga Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. Higit dalawang dosenang probinsya ang naikutan namin, ngayon bumalik kami sa Bicol. Nakikita po natin ay ito po ang gusto ng mga kababayan po natin na programa, galing sa DSWD,” dugtong ng lider ng Kamara na binubuo ng higit sa 300 kinatawan.
Nanindigan rin si Romualdez sa pinagtibay na alokasyon para sa naturang programa sa ilalim ng 2025 national budget, lalo pa aniya’t direktang natatanggap ng mga benepisyaryo ang serbisyo at ayuda ng gobyerno.
“Sasabihin ko na sa ating mga kaibigan natin sa Senado, umikot na lang muna kayo at tanungin niyo muna sa taumbayan kung anong gusto nila. Sa nakikita ko po, sa lahat ng pinupuntahan natin, gustong-gusto at napakabuti nitong programang ito,” pahayag pa niya.
Ang AKAP ay nagbibigay ng one-time cash assistance na mula P3,000 hanggang P5,000 sa mga pamilyang kumikita ng mas mababa pa sa poverty threshold at hindi pa nakatanggap ng anumang ayuda mula sa gobyerno.
Sa datos ng Office of the House Speaker, lampas na sa apat na milyong pamilya ang nakinabang sa P20.7 bilyon mula sa kabuuang P26.7 bilyong alokasyon ng programa para sa kasalukuyang taon.
“This initiative has proven its value by providing immediate relief to struggling households, empowering them to weather economic challenges, and ensuring their resilience against inflation and other shocks,” aniya pa.
Ipinunto pa ng pinuno ng Kamara ang tagumpay ng programa sa mga rehiyon tulad ng Bicol, Central Luzon at Western Visayas, kung saan ang fund utilization rates ay lumampas na sa 70 percent.
Sa National Capital Region pa lang, umabot na sa mahigit 589,000 pamilya ang nabiyayaan ng programang AKAP.
Patuloy naman ang panawagan ni Romualdez sa Senado na muling pag-isipan ang kanilang tindig laban sa AKAP.
“We stand with Secretary [Sherwin] Gatchalian in urging our colleagues in the Senate to uphold the AKAP budget. This is about ensuring that no Filipino family falls back into poverty because of insufficient support,” dagdag ng Leyte solon.
“Programs like AKAP demonstrate what effective government intervention looks like. It stabilizes households, strengthens communities, and contributes to the country’s overall economic resilience.”
