BILANG paghahanda sa mabigat na daloy ng trapiko bunsod ng nalalapit na araw ng pasko, pansamantalang ipinagbawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasagawa ng mall-wide sale.
Gayunpaman, nilinaw ni Gabriel Go na tumatayong hepe ng MMDA Special Operations Group Strike Force, papayagan ang mga pwesto sa mall na mag-sale pero walang malaking promosyon.
“Outlet sales on the premises are allowed as long as there are no announcements,” saad ni Go.
Una nang binago ang mall operation bilang bahagi ng pagsalubong sa panahon ng kapaskuhan – mula 11:00 a.m. hanggang hatinggabi.
Sa pagtaya ng MMDA, hindi bababa sa 500,000 sasakyan ang dumadaan sa kahabaan ng EDSA kada araw. (Lily Reyes)
