
ANG dapat sana’y simpleng paggunita sa Araw ni Bonifacio sa makasaysayang tulay ng Mendiola sa lungsod ng Maynila, naiuwi sa malaking gulo matapos magrambulan ang mga pulis at mga aktibista.
Sa pahayag ni Major Philip Ines na tumatayong tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), limang pulis ang di umano’y nasaktan sa rambulan matapos pwersahang gibain ng mga nagpoprotestang aktibista ang barikada sa paanan ng tulay patungo sa Malacanang.
Unang nag tipon-tipon sa Liwasang Bonifacio ang mga raliyista at sabayang naglakad sa kahabaan Claro M. Recto Avenue sa direksyon ng Mendiola patungo sa Palasyo kung saan nag-oopisina ang Pangulo.
Ayon kay Ines, hindi bababa sa 300 aktibista ang lumahok sa kilos protesta. Paglilinaw ni Ines, pinairal ng MPD ang tinatawag na maximum tolerance, pero hindi naman aniya pwedeng palusutin ng mga pulis ang mga aktibistang nagpupumilit di umano dumiretso sa Palasyo.
Sa salpukan sa pagitan ng mga pulis at aktibista, isang unipormadong kawani ng MPD ang sinasabing dinala sa pagamutan para lapatan ng first aid matapos magtamo ng sugat at galos. Meron di aniyang isang kailangan gamutin para sa tinamong pinsala sa mata.
Sa panig ng mga aktibista, isa ang dinakip at nakatakdang sampahan ng kaso. KOntra demanda naman ang sagot ng mga mahigit sa 40 aktibistang nasaktan ng mga pulis-Maynila.