HINDI nakalusot sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga di umano’y ghost projects na bahagi ng tinaguriang “insertions” sa 2025 General Appropriations Bill (GAB) na isinumite ng Bicameral Conference Committee.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), mismong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang nagkusang tukuyin at nagbigay rekomendasyon na alisin ang mga infrastructure projects sa mga lugar na wala naman sa mapa ng bansa.
“Mayroon pong mga nakitang projects na ambigous– ibig sabihin may mga nakita sila doon, na-identify na mga projects sa mga lugar na hindi mo nga mahanap sa mapa eh,” saad DBM Undersecretary Goddess Hope Libiran sa aniya’y “insertions” sa national budget.
“Ang DPWH ang nagturo kung alin sa mga proyekto ang hindi pwedeng ipatupad kaya inalis sa national budget… DPWH iyong mismong pumili alin doon iyong mga projects na hindi talaga kayang i-implement at sayang lang kapag isinama natin sa national budget. So yan po yung mga projects na vineto,” dagdag ni Libiran.
Karaniwang nagkakaroon ng “insertions” sa pagbusisi ng Kongreso sa national budget.
