PARA kay Congressman Wilbert Lee, hindi pa tapos ang pakikibaka para sa mas pinahusay na serbisyo ng gobyerno, kasabay ng pangakong patuloy na maninindigan para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Pag-amin ni Lee, naging produktibo ang nakalipas na taon sa bisa ng mga akdang panukalang ganap na naging batas matapos pagtibayin sa Kamara, at Senado, hanggang sa lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nagpapasalamat po tayo, unang-una sa Panginoon, sa mga biyaya at tagumpay na nakamit natin nitong nagdaang taon, sa pagsusulong ng mga polisiya at batas para mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan, lalo na ng mas nangangailangan,” pahayag ni Lee.
“Sa kabila po ng mga hinaharap nating hamon at darating pang pagsubok, sama-sama nating salubungin ang Bagong Taon na puno ng pag-asa, tatag ng loob at malasakit sa isa’t isa. Patuloy po sana tayong magtulungan para mabawasan ang pangamba ng bawat Pilipino, kasama ang mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa iba’t ibang panig ng mundo,” dagdag niya.
Binigyang pagkilala rin ni Lee ang mga kapwa kongresista at mga legislative staff sa suportang binuhos para sa pagbalangkas, pagtalakay hanggang sa pagpapatibay ng mga makabuluhang legislative measures.
“I thank all of you for your support for our shared causes. There may have been hardships, like in any other endeavor, but without your solidarity and compassion, we would not have been able to reach this point.”
Kabilang sa ambag ng kinatawan ng AGRI partylist sa Kamara ang pagtataguyod ng sapat na serbisyong pangkalusugan kung saan matagumpay niyang nakuha ang pangako ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na pagpapalawak ng benefit packages at pagkakaloob ng iba’t-ibang serbisyong pangkalusugan.
Gaya na lamang ng pagkakaroon ng libreng dialysis, pagtaas sa coverage para sa breast cancer treatment mula P100,000 ay ginawang P1.4 million, libreng eye checkup, free cataract extraction at free prescription glasses.
“Marami na tayong napagtagumpayan ngunit hindi po dito natatapos ang ating paniningil at pangangalampag sa Department of Health at PhilHealth hanggang maging libre na ang gamot at pagpapagamot. Dahil ang pinaglalaban ko: Gamot Mo, Sagot Ko!”
Samantala, bukod sa kanyang Health advocacy, aktibo rin si Lee sa pagtatanggol sa kabuhayan ng mga farmer, fisherfolk at local food producers, maging ang pagbibigay ng long-term solutions sa pagtaas sa presyo ng mga produktong pagkain at pagpapatatag sa food security ng bansa.
Kabilang sa mga principally authored legislation ni Lee na ganap na naging batas sa loob ng nakaraang taon ay ang Republic Act 11985 (Philippine Salt Industry Development Act), RA 12022 (Anti-Agricultural Economic Sabotage Act) at ang RA 12078 (Agricultural Tariffication Act). – Romeo Allan Butuyan II
