KUMBINSIDO ang bagong hirang na hepe ng Central Luzon Regional Police chief na konektado sa pagsasara ng mga offshore gaming operations ang serye ng pagdukot sa hanay ng mga Chinese nationals sa Maynila, Bulacan at Calabarzon.
“Iyan ang isa sa ina-anticipate namin dahil nga wala na, effective Dec. 31, wala nang POGO,” wika ni Brig. Gen. Jean Fajardo isang araw matapos italaga bilang bagong regional police director sa Central Luzon.
“Nakipag-ugnayan kami sa anti-kidnapping group at sinabi nga nila na may reported incidents na pangingidnap ng Chinese nationals at lumalabas na ang may kinalaman ay kapwa nila Chinese,” dagdag ni Fajardo.
“Ang nakakalungkot nga bagamat yung iba ay narelease dahil nagbayad ng ransom, released unharmed, pero yung iba may napatay. Based sa ating datos, yung iba ay pinatay or still missing.”
Naniniwala rin ang opisyal na may kinalaman sa agawan ng teritoryong ginagalawan ng guerilla POGO operation ang puno’t dulo ng kabi-kabilang pagdukot at pamamaslang ng mga kapwa Tsino.
“Ineexpect natin ‘yung guerrilla operations ng mga maliliit (na POGO) dahil nag-aagawan ng turf yan ay talaga ay maaring sila sila ang magsakitan dito,” dugtong pa ng heneral.
Pagtitiyak pa ni Fajardo, mas paiigtingin ng pulisya ang pagtugis sa mga nalalabing illegal POGO katuwang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
“Hindi natin papayagan na itong maliliit ng operation (ng POGO) na magtuloy-tuloy po. Ito ay nagiging ugat, pag di nila nakuha ang mga gusto, sila ay nangingidnap. Hindi natin papayagan ito.” (Edwin Moreno)
