TARGET ng Kamara patawan ng parusa sa anyo ng bonggang multa ang mga kumpanya sa likod ng mga naantalang proyekto ng gobyerno.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises, partikular na tinukoy ni Deputy Speaker David Suarez ang pagkaantala ng mga proyekto ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP)
“Syempre yung pangangailangan ng taumbayan ng kuryente, di naman pwede mag-antay yun, di ba,” wika ni Suarez, kasabay ng patutsada sa umano’y pamumudmod ng “napakalaking kita at dibidendo sa mga opisyales at shareholders kada taon.”
Para kay Suarez, hindi makatwiran ang pagkaantala lalo pa aniya’t malaki ang pondo ng NGCP na nilikha para tiyakin ang walang patid na paghahatid ng kuryente sa lahat ng sulok ng bansa.
Tinanong ng kongresista si Energy Undersecretary Sharon Garin, dating miyembro ng Kamara kaugnay ng mga nakatenggang proyekto ng NGCP — “When it comes to the ongoing projects, Usec Garin, you mentioned that there are some delays. Who identifies which projects are to be prioritized and implemented within a given time period? Is it based on a transmission plan or the DOE’s energy plan?”
Ipinaliwanag ni Garin na ang NGCP ang naghahanda ng Transmission Development Plan (TDP), na inaaprubahan ng DOE.
“Basta naka-TDP na yan, yun na dapat yung schedule. Now what happens is, every submission of a TDP, the target completion date changes,” sabi ni Garin.
Nauna ng sinabi ni Garin na sa nakalistang 224 proyekto ng NGCP sa TDP, 97 lamang ang natapos, habang “delayed” naman aniya ang paggawa ng 44 na proyekto sa Luzon, 26 sa Visayas, at 27 sa Mindanao.
Dagdag pa nito, 46 proyekto ang ginagawa sa kasalukuyan, 26 sa Luzon, 12 sa Visayas at walo sa Mindanao. Mayroon naman umanong 60 na nasa pre-construction stage pa lamang.
Iginiit ni Suarez na dapat magkaroon ng pananagutan ang NGCP sa mga proyektong hindi natatapos sa oras.
“How are we supposed to hold companies accountable to their performance targets if we can’t even hold on to specific targets when it comes to when projects should be completed?”
Pag-amin ni Garin, nag-ugat ang kapalpakan sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
“The targets are supposed to be fixed, and that’s what we communicated to NGCP,” wika ni Garin. “Previously, ilang beses na itong na-move. But technically, it goes through the process.”
Tinanong din ni Suarez kung anong mga multa ang ipinataw sa NGCP sa pagkabigo nito na matapos ang mga proyekto sa oras.
“Kung ito po ay moving target, at sabihin na natin hindi natapos ng NGCP sa time frame na binigay sa kanila, are they penalized?” tanong ng kongresista.
Nilinaw ni Garin na ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang may saklaw ng parusa at idinagdag na ang pagka-antala ng pagtatapos ng proyekto ay paglabag sa TDP, EPIRA at obligasyon nito sa prangkisa.
“These are violations of the TDP, not only of the TDP but also the concession and the EPIRA and the franchise,” sabi ni Garin.
Ayon kay Suarez may mga proyektong na-delay na ng mahigit isang dekada — “I have a list of projects here that have been delayed. Some have been delayed for five years, some for 10 years.”
Ipinunto ng mambabatas na ang pagkaantala sa pagtatapos ng proyekto ay nakakaapekto rin sa maraming mamumuhunan.
“In my province, inaabot po ng taon bago makapagpatayo ng NGCP ng bagong substation sa Pagbilao. This affected a lot of investors, and two of them closed down just because NGCP wasn’t able to put up the substation required,” ani Suarez.
“I’m sure this is actually happening in the entire country. So Mr. Chair, I want that point to be emphasized and if NGCP can explain their dismal performance to this committee, I would appreciate an explanation from NGCP Mr. Chair,” pahabol ng kongresista. (Romeo Allan Butuyan II)
